SATURDAY, DECEMBER 10, 2011   ARCHIVES ABOUT US
|
LOTTO

TAMA KA BA?

Custom Search
TOP STORIES
DATI KA NANG SIRA, GLORIA!
Nina Bernard Taguinod, Dindo Matining at Rose Miranda
 

Wala sa posisyon si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na akusahan si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na sinisiraan ang kanyang puri, dahil matagal na umano itong sira at siya ang may gawa nito sa sarili.

Ganito ang naging pahayag ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada ay kinontra ang alegasyong ito ni Arroyo sa Aquino administration dahil wala umanong ibang sumira kay Arroyo kundi ang kanyang sarili.

“Dati ng sira eh bago pa siya bumaba eh,”  pahayag ni Estrada sa panayam ng GMA TV na ang posibleng tinutukoy ay ang mga katiwalian ng nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Estrada na malaki ang dapat ipagpasalamat ni Arroyo kay Aquino dahil inayos umano lahat muna ang imbestigasyon bago siya nakasuhan samantala noong siya ang ipaaresto at ipakulong ng dating Pangulo ay nagtatag pa ito ng special court at pinili ng Malacanang umano ang mga Justices na umupo sa Korte.

Maging si Gabriela partylist Rep. Luzviminda Ilagan ay nagsabing, “Ano ba pa ang sisirain? Sira na talaga.”

Ani Ilagan kahit hindi kumilos si Aquino ay hindi na umano maibabangon ni Arroyo ang kanyang reputasyon dahil mismong siya ang sumira dito habang nasa Malacañang ito sa loob ng siyam na taon.

“Wala ng ka-effort-effort ang dagdagan na pag-discredit sa kanya,” ayon pa kay Ilagan at wala umanong ibang dapat sisihin dito si Arroyo kundi ang kanyang sarili at mga malalapit sa kanya na nagsamantala at nang-abuso habang sila ay nada poder.

Sa katunayan, aniya, nasa Malacañang pa lamang si Arroyo ay galit na ang taumbayan sa kanya kaya nararapat lamang na pagdusahan nito ang kanyang kasalanan.

“Sa galit ng taong bayan sa kanya at sa bigat ng kanyang kasalanan, talagang sinira na niya ang kanyang sarili,” ayon pa sa lady solon sa panayam ng Abante kahapon.

Sa Senado, sinabi ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na, “Siya ang sumira sa sarili niyang puri.”

Nilitanya pa ng senador ang mga kasiraang ibinigay ni Gng. Arroyo sa kanyang sarili.

“Siya ang sumira sa sarili niya dala ng ‘Hello, Garci’, ng fertilizer fund scam, ng NBN-ZTE deal, ng Maguindanao Massacre, at ng marami pang iba. Ang dating pangulo mismo ang may kagagawan,” diin pa ni Pangilinan.

Hindi rin ikinagulat ni Sen. Panfilo Lacson ang madramang lipat-ospital kahapon kay Gng. Arroyo.

“What else is new? Malinaw na may mga sariling agenda ang mga ito na gustong maisulong sa harap ng publiko,” ani Lacson.

Sa iba pang reaksyon ng mga mambabatas sa Kamara, sinabi ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa pamamagitan ng text message na, “Di na kailangan ni PNoy na siraan si GMA at nahuhusgahan na ang dating Pangulo ng taong bayan.”

“Maarte lang talaga si Arroyo. Dapat sa presinto na siya at ‘di sa hospital,” diin naman ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares.

Mula sa Malacañang, umalma rin si deputy presidential spokesperson sa pahayag ng Arroyo camp na ginagamit lamang ni Aquino ang dating pangulo para makakuha ng “pogi points”.

“Wala pong paninirang nangyayari. Ang maganda nga po dito is magkakaroon po siya ng pagkakataon na---she will have her day in court; she will have the opportunity to defend herself; she will have the opportunity to clear her name kung ‘yon po talaga ‘yung kalalabasan. Wala hong paninira; wala hong pre-judgment; wala pong ibang intensyon ang pamahalaang ito kung hindi ang malaman talaga kung ano ang nangyari doon sa mga alegasyon na matagal na pong pinupukol sa kanya,” ani Valte.

Una nang sinabi ni Arroyo sa panayam sa telebisyon na malinis daw ang kanyang konsensya sa kabila ng maraming kasong ibinabato sa kanya.

“I have peace of mind dahil malinis ang aking konsensya. Gaya ng sabi ko, sa aking pagkapangulo, bukod-tanging layunin ko ay maglingkod,” pahayag ni Arroyo.


Become a fan on facebook
Follow us on twitter
FOREX
US Dollar 43.5800
Bahrain Dinar 115.566
Euro 58.0375
HK Dollar 5.60088
Japan Yen 0.561521
Saudi Riyal 11.6202
S’pore Dollar 33.4713
Taiwan Dollar 1.44247
UAE Dirham 11.8642
UK Pound 68.0156
COLUMNIST OF THE DAY
Ang gulong ng hustisya
PINOY NOBELA

 
Loading
HOME TOP
Copyright © 2011, Monica Publishing Corporation. All rights reserved.
Designed and developed by:
MIS Section