|
Ibinalita ng talent-manager na si Arnold Vegafria na nakatakdang pumirma ng kontrata ang controversial na alaga niyang si Grace Lee sa Bench bilang bagong endorser nito. Si Grace Lee ang sabi-sabing apple of the eye ni PNoy ngayon.
Ang paglabas ni Grace sa launching ng Empower cologne ni Dingdong Dantes ang pahiwatig na magiging member na siya ng Bench. Damit ang imo-model ni Grace dahil wholesome nga ang personality nito.
Nililinaw ni Arnold na hosting lang ang papasukan ni Grace sa TV at hindi pag-arte. Kabi-kabila na raw ang offer ng iba’t ibang TV stations kay Grace ngayon, kaya todo ang pag-aaral ni Arnold sa mga kontratang dumarating sa kanila.
Pure Korean si Grace, pero dahil nakapag-aral ito sa St. Paul at Ateneo kaya magaling itong magsalita ng Tagalog. Ayon pa kay Arnold, Koreana man ang dugong nanalaytay kay Grace, ang puso raw nito ay Pinoy.
Samantala, tungkol naman sa nababalitang pagkalas ng isa pang alaga ni Arnold na si Carla Abellana sa GMA 7, sinabi nito na kahit may mga offers ang ibang TV station kay Carla ay priority pa rin nila ang alok ng Kapuso network.
Hanggang sa katapusan ng buwan na ito tatagal ang kontrata ni Carla sa GMA 7, kaya may panahon pa para pag-aralang mabuti ni Arnold ang offers ng mga TV networks.
***
Itinatanggi ni Jasmine Curtis Smith na may special na pagtitinginan na sila ni David Archuleta, ang leading man nila ni Eula Caballero sa lalabas na mini-serye ng TV5, ang Nandito Ako.
Ipinaliwanag ni Jasmine na hindi lang siya ang rason kung bakit nanood si David sa concert ng ate niyang si Anne Curtis sa Araneta, ang Annebisyosa, kamakailan lang. Gusto raw talaga ni David na mapanood ang concert na `yon.
Inamin ni Jasmine na pasimple lang niyang inimbita si David sa concert ng ate niya. Pero, dahil sa pagnanais talaga niyang mapanood ni David ang concert ng Ate Anne niya, nag-follow up siya kay Mr. Perci Intalan, big boss ng TV 5, na isama si David sa Araneta Coliseum.
Hindi raw inaasahan ni Jasmine na darating si David sa concert. Kaya laking gulat daw niya nu’ng dumating si David kasama si Mr. Intalan at iba pang producers ng TV5.
Kuwento pa ni Jasmine, sinadya raw na hindi paupuin si David sa audience para hindi ito maka-generate ng atensyon ng mga tao sa loob ng coliseum. Gabi raw ito ng Ate Anne niya kaya gusto raw ibigay ni David ang gabing `yon kay Anne.
Natuwa naman daw si David sa concert ni Anne dahil sa nakita nitong reaction ng mga tao.
Natuwa si Jasmine sa mga papuri ni David sa concert ng Ate Anne niya.
Ramdam daw niya ang sincerity nito sa pagpuri sa ate niya dahil mula nu’ng magsama raw sila ni David sa taping ay hindi niya nakitaan ng kaplastikan ang binata.
Anyway, alam ni Jasmine na hindi pa handa si David na magka-girlfriend dahil marami pa raw itong gustong ma-achieve sa buhay. At wala rin daw siyang naramdaman na pagpaparamdam sa kanya si David para masabing may gusto ito sa kanya.
Napakabait at very humble raw talaga ni David. At inamin ni Jasmine na mami-miss talaga niya si David dahil sa mabuting pakikisama nito sa kanilang lahat.
Nu’ng hindi pa raw nakukunan ang last taping day nila, hindi na raw halos makatulog si Jasmine sa kaiisip na aalis na si David at hindi na nila ito makakasama pa sa serye.
Anyway, nakakapanghinayang lang na hindi nagawang ligawan ni David si Jasmine. Inamin kasi ni Jasmine na kung niligawan siya ni David, pasado ito sa kanya.
“Choosy pa ba ako? David Archuleta na ‘yan, noh!” mariing sabi ni Jasmine.
|