|
Hindi ako nadismaya na bumili si Pangulong Noynoy Aquino ng kanyang P4.5 milyong halaga na Porsche.
Unang-una, hindi naman niya ninakaw ang perang binili. Binenta raw niya ang kanyang BMW, isang mamahaling kotse rin, at binili itong Porsche. Hindi lang segunda-mano itong Porsche. Tersera-mano pa raw.
May pera naman ang pamilya ni Aquino. Nakalimutan n’yo ba na siya ay Cojuangco at may-ari ng Hacienda Luisita?
Wala naman sa batas na nagbabawal sa isang Pangulo na bumili ng mamahaling kotse na siyang hilig ni Aquino kahit noon pa, maliban sa baril. Ang isa pang hilig ay pumunta sa bar. Saka na natin pag-usapan ‘yan.
Sinasabi ng mga bumabatikos sa kanya na “bad taste” daw. Parang hindi maganda tingnan kasi maraming mahirap sa Pilipinas na wala ngang makain. Ano raw kaya ang pakiramdam ng mga mahihirap na makita nila ang kanilang Pangulo na tuwang-tuwa sa kanyang Porsche samantalang sila ay nahihilo sa gutom?
Sabi nga ng isang taga-Quezon City, wala pala siyang pinagkaiba kay dating Rep. Annie Susano na pumupunta sa mga squatters areas na nakasakay sa kanyang puting Mercedes Benz. Mayaman din kasi si Susano. Nasa real estate siya at may-ari siya ng ilang subdivision.
Hindi ako dismayado dahil hindi naman ako naniwala sa mga pa-epek na propaganda ng kanyang communications team katulad ng pagkain ng hotdog sa sidewalk sa New York. Ano’ng relasyon noon sa leadership? Ang mahalaga ay maayos ang kanyang pagpatakbo ng bayan. Wala sa akin kung anong kotse ang kanyang sasakyan o kung ano ang kanyang kinakain at saan siya kumakain.
Mas nababahala ako sa kahinaan niyang magdesisyon. Mas nababahala ako sa kalidad ng marami niyang appointments. Mas nababahala ako sa mga desisyon niya na nagpapahiwatig na mas binibigyan niya ng halaga ang personal na relasyon kaysa ang kapakanan ng bayan.
Mas nababahala ako na hanggang ngayon na si Gloria Arroyo ay namamayagpag at wala namang ginagawa sina Aquino na papanagutin siya. Marami pa sa mga kaalyado ni Gloria ay ibinalik ni Aquino sa pwesto o binigyan niya ng panibagong pwesto.
Nababahala ako na parang siya mismo, nakalimutan na ang kanyang pangakong pagbabago. Parang nawala na ang “tuwid na daan” at doon na ulit sa paliku-liko.
Sinasabi ng iba na ang pagbili ni Aquino ng Porsche, simbolo ng karangyaan, ay nagpapakita ng kanyang pagka-immature at kakulangan sa pakiramdam ng mahihirap, na iyan dapat ay katangian ng isang lider.
Diyan ako nababahala dahil mukha ngang ganun. Lumalabas ang tunay na kulay. Hindi ako nagugulat. Nababahala.
***
Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com |