|
Masinsinang pagtugis ngayon ang ginagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ng Cagayan de Oro City sa tatlong pulis na umano’y sangkot sa kaso ng panggagahasa at pagpatay.
Ayon sa mga awtoridad, ang tatlong pulis ay nasa listahan ng mga top most wanted sa Region 10.
Sa listahan, kasama umano si PO3 Rommel Pontilas at PO2 Arturo Labador na nahaharap sa kasong murder at PO2 Patricio Paguilon na inakusahan ng panggagahasa.
Kasapi ang tatlo ng Cagayan de Oro City Police Office.
Ayon kay NBI Regional Director Jose Justo Yap, doble-kayod ang ginagawa nilang pagtugis sa tatlo para maiharap sa korte at mabigyan ng pagkakataong linisin ang kanilang mga pangalan.
“May posibilidad na nakalabas na sila sa lungsod kaya pinalawak na natin ang erya ng ating oeprasyon para mahuli sila,” ani Yap.
Hindi naman binanggit ni Yap kung anong lugar ang kanilang tinututukan ngayon sa paghahanap para hindi madiskaril ang mga isinasagawang operasyon. |