‘TV ads’

 

Karaniwan na ngayon na bawat programang primetime sa telebisyon, tadtad na ng TV ads ng mga tatakbo sa darating na halalan. May mga nagnanais maging senador, maging bise presidente at maging presidente. Sari-saring gimik, sari-saring endorser at kanya-kanyang drama. Oo nga naman, ayon sa mga pag-aaral, pinakama­lawak ang naaabot ng TV. Kahit napakamahal ay sulit daw naman.


Palagay ko, sa ating mga nanonood, dapat nating usisain kung totoo kaya ang sinasabi ng mga TV ads na ito. Ano kaya ang kapalit ng endorsements na binibigay ng mga sikat at kilalang mga personalidad na nagpupuri sa mga kandidato. Modelo ba ng maayos at matuwid na asal at pamumuhay ang mga endorsers? Ika nga, ano ba ang sukat niya sa sarili niya bago ituro sa atin ang tamang sukatan sa taong ating ihahalal. Sa madaling salita, ang TV ads ay parang pelikula. Mas madali ang pangarap mong buhay sa pelikula kesa sa tunay na buhay.

Parang napakadaling ipangako sa TV ads ang lahat ng hinahanap mo. Pero, iba ang tunay na buhay, iba ang sine.

Paminsan-minsan lang pareho.


Napakamahal ng TV ads. Ang sabi nila, mula P250,000 hanggang P300,000 daw ang 15 segundo o bawat maikling spot. Hindi malayo na ‘yung kandidatong pinakamaraming TV ads ay gumagasta ng mahigit P10 milyon araw-araw. Sa apat na buwan na nakalipas, mga P1.2 bil­yon na ang nagugol.

Kung walang halalan, ilang estud­yante na kaya ang nakatapos sa ganitong halaga? Ilang bahay na kaya naipatayo? Ilang trabaho na kaya ang naipundar? At siyanga pala, babawiin kaya ito ng mga kandidato pag nagtagumpay sila? Kapag nagkataon, TV ads ang maghahalal ng ating pamunuan -- mga senador, bise presidente at presidente.


Nakakadismaya pero hindi imposible na baka magwagi ang pinakara­ming TV ads kapag hindi mausisa ang ating mga ma­ma­mayan.


Hindi pelikula ang buhay ni Juan de la Cruz. Dapat ang mukuha niya ‘yung totoo. Nawalan ng karapatan ang mahirap na sumabay sa mayaman na nais mag­lingkod.


Nawalan ng saysay ang sinasabing “equal time and equal space”. Kapag nagkagayon, sa mga susunod pang mga halalan kung nais mong tumakbo, ang unang tanong sa iyo ay “may pang-TV ads ka ba?”



 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section