|
ARLINGTON, Texas (AP) -- Uulanin ng suntok si Joshua Clottey, hindi malalaman ng Ghanaian challenger kung saan manggagaling at kung paano sasalagin ang mga bigwas na pakakawalan ni pound-for-pound king Manny Pacquiao.
At sa dulo ng scheduled 12-round match para sa WBO welterweight belt ni Pacquiao, titiklop si Clottey. Malalamog siya sa dami ng suntok na tatanggapin.
Kilala ang 32-anyos na si Clottey (35-3) sa depensa, mahilig sumalag ng mga suntok. Isang beses lang siyang na-knockout, hindi pa nana-knockdown.
Iba ang pananaw ni Freddie Roach. Nabasa na niya ang galaw ni Clottey.
“Blocking punches doesn’t win fights,” pakli ng four-time trainer of the year. “I think we can stop him in the late rounds. The accumulation of punches he’ll be taking in this fight he’s never seen a guy like Manny Pacquiao before and I don’t think he’ll be able to handle it.”
Magiging sukatan ito ng nanggagalaiting opensa ni Pacquiao kontra sa moog ng depensa ni Clottey.
Dumating ng Cowboys Stadium kahapon si Pacquiao, nakasuot ng straw hat at dark blazer na bumaba ng bus na nabalot ng kanyang larawan at puno ng mga miyembro ng kanyang entourage.
Hinubad ang sports coat, nagsuot ng red jacket na may golden MP logo, at sinimulang talakayin ang kanyang pagkandidato sa Kongreso.
Ibinida rin ni Pacquiao noong sinundang gabi ay nag-rehearse kasama ang sariling banda, at may ensayo pa ulit pagkatapos ng unang appearance sa Dallas – preparasyon sa party niya sa Linggo (Manila time) pagkatapos ng laban.
Muntik nang malimutan ang laban, ang The Event na sisiklab sa $1.2 billion Cowboys Stadium.
Inaasahan na ang sellout crowd na 45,000 – kahit malayo ang kinauupuan ay hindi mapapalagpas ang matinding aksiyon sa pamamagitan ng higanteng 72-foot-high, 160-foot-wide video boards na inilagay sa itaas ng ring.
Posibleng lumobo pa ang crowd kung magbebenta si Cowboys owner Jerry Jones ng standing-room-only tickets. At ang pay-per-view audience na ayon kay Top Rank promoter Bob Arum ay lalagpas sa inaasahang 700,000 buys.
Handa na ang napakalaking stage para sa performance ni Pacquiao (50-3-2).
“I’m inspired to give a good show, to do my best,” nakangiting pahayag ni Pacman. “To impress the people, you have to make your best (effort).”
Pag-akyat pa lang ng ring sa harap ng napakaraming tao, papaimbulog na pataas ang adrenaline ni Pacquiao.
“There’s no stage big enough for Manny Pacquiao,” wika ni Roach. “He loves it, and I love it. He’s going to perform for the crowd. He’ll entertain all 45,000. He’ll entertain everybody.”
Mas mataas si Clottey, mas mahaba ang galamay. Wala pang nakakapagpatulog sa kanya, kabilang sa tatatlong talo ang disqualification noong 1999 at split decision kay Miguel Cotto sa huling laban noong June.
Nabigyan ng oportunidad na labanan si Pacquiao nang madiskaril ang negosasyon ng showdown ng Filipino champion kay Floyd Mayweather Jr. Puring-puri ni Clottey si Pacquiao, pero napapangiwi siya ‘pag nababanggit si Roach na nagsabing isa sa pinakamatinding armas ni Clottey ay ang kanyang head butt.
“I’m predicting a win,” pakli ni Clottey, kinuhang trainer ang dating cutman ni Pacquiao na si Lenny de Jesus.
Hindi na pinag-aksayahan ng panahon ni Clottey na panoorin ang mga laban ni Pacman.
“I don’t like doing that,” aniya. “I know his style, I know the way he moves, the way he throws punches, so it doesn’t matter. I study myself. I watch my own fights. I know what I have to do.”
Natawa lang si Arum sa usap-usapan na tatalikuran na ng kanyang alas ang boksing habang nasa rurok pa ng tagumpay. Kay Roach lang umano niya naririnig ang mga ganito, hindi kay Pacquiao.
“I don’t know,” sambit ni Pacquiao nang tanungin.
|