www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

Bumitin sa ere si Cyrus Baguio ng Red Bull Barako sa lay-up drive na ito at hindi umubra ang depensa ni Sonny Thoss ng Alaska Aces sa PBA kagabi sa Big Dome. (John Paulino)

ACES TINIBAG ANG RED BULL

Ni VLADI EDUARTE

 

Pinigil nina Randy Holcomb at Sonny Thoss ang Parada, at naungusan ng Alaska ang Red Bull sa panalong 101-90 kagabi sa Araneta Coliseum.


Sa gabing inaalat sa 1-for-11 free throw shooting si Holcomb, nagawa pa ring manaig ng Aces para umakyat sa 3-6 win-loss record. Ang Red Bull naman ay nahatak sa 7-3, kasosyo ang Talk N’ Text sa tuktok ng standings ng 2007-08 SMART PBA Fiesta Conference.


Nagawa na ring maiganti ng Aces ang 100-97 overtime loss nila sa Barakos noong April 19 sa Laoag City. 


“Randy is the best shooting import in the conference. He is also the worst free throw shooter,” natatawang pahayag ni Aces coach Tim Cone pagkatapos ng laro.


Salitang binulabog ng depensa nina Holcomb at Thoss ang dambuhalang import ng Barakos na si Adam Parada, at halos hindi ito nakadiskarte sa huling tatlong quarters ng laro.


Bagama’t tumapos ng team-high 27 points si Parada, sa first quarter lang ito nanalasa sa pinakawalang 15 points at nadiyeta na sa tatlo, apat at limang puntos sa second, third at fourth quarters, ayon sa pagkakasunod, sa oras na naghahabol pa mandin ang Barakos.


Kapag nalayo sa paniningin ni Holcomb, si Thoss naman ang nakadikit kay Parada. Hindi nga lang napigilan si Parada sa ilalim na humablot pa rin ng 23 rebounds.


“Sonny is becoming a real problem for the other teams now, he’s so very versatile,” dagdag ni Cone.


Sa pagtatapos lang ng first quarter nakadikit ang Red Bull sa 27-23, at nang maposasan sa opensa si Parada sa tatlong sumunod na quarter ay unti-unti nang lumayo ang Aces.


Natapos ang first half na lamang ng 11 ang Alaska, 46-35, at pagpasok ng fourth ay hawak pa rin ang bentahe sa 74-62.


Sina Celino Cruz at Jojo Duncil ang nakipagpalitan ng basket sa Aces sa fourth period, pero hindi nila kinaya ang pamatay-sunog na mga bitaw nina Jeffrey Cariaso na siyam sa kabuuang 11 points ay pinakawalan sa last period,.at Willie Miller.


Parang import na namang lumaro si Miller sa tinipong 24 points, 12 dito mula sa first period, at nagpakawala pa ng six assists. May 21 points, 15 rebounds naman si Holcomb, habang nagdagdag pa si Thoss ng 12 points at 13 rebounds.


Huling lumapit sa anim na puntos ang Barakos sa 87-81 pagkatapos ng tres ni Mike Hrabak, pero hanggang doon na lang. Dalawang puntos lang din ang kinaya ni Cyrus Baguio sa fourth tungo sa kabuuang 17.


Anim na beses bumiyahe sa foul line si Holcomb sa huling apat na minuto ng laro, pero anim na beses din siyang sumablay.



 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section