Wala pa akong nakikitang kandidato sa pagka-pangulo
na sumalungat sa Simbahang Katoliko sa paksa ng mabilis na
pagdami ng tao. Si Noynoy Aquino pa lang. Mariin niyang sinabi na
tuloy niyang susuportahan ang panukalang batas na magbibigay sa
mga babaeng nasa edad pa para manganak ng kailangang impormasyon
para pangalagaan ang sarili nilang katawan at anak kung sila ay
magbubuntis.
Binabaligtad ng Simbahang Katoliko ang tunay na layunin ng panukalang
batas. Sinasabi ng mga Obispo at pari na hinahadlangan daw ng estado
ang natural na pagdami ng tao. Para nilang sinasabi na ito ay kasalanan.
Hindi naman ganun ang layunin ng panukalang batas.
Madali nating maiintindihan ito sa pagbibigay ng halimbawa. Kung
maipasa ang batas, ang mga health workers ng Department of Health
at local government ay pupunta sa lahat ng sulok ng Pilipinas para
ipaliwanag ang layunin ng batas.
Ano nga ba ang tunay na layunin? Walang iba kundi magbigay ng impormasyon.
Halimbawa, kakausapin ng isang ina na may limang anak at sasabihin
ang mga paraan para maging ligtas siya sa pagkakasakit at magiging
malusog ang kanyang anak.
Sasabihin din sa ina na kung hindi niya gustong maging anim o sobra
pa ang kanyang mga anak, may paraan na hindi naman iiwas sa pagtatalik.
Ano ang paraan?
Ipapaliwanag ng health worker na maraming paraan. Halimbawa, puwedeng
kumbinsihin ang asawa na gumamit ng condom sa pagtatalik. Kung ayaw,
ang babae ang gagawa ng paraan.
Bibigyan sila sa murang halaga ng mga pildoras. Uminom ng isa bawat
araw. Tiyak hindi mabubuntis. O kaya, magpaineksyon minsan isang
buwan. Tiyak hindi magbubuntis.
Pero ang desisyon ay nasa mag-asawa. Kung gusto nila ang isang dosenang
anak matapos ipaliwanag sa kanila ang pahirap na dulot ng maraming
anak, tuloy ang ligaya. Magparami kayo.
Pero kung ayaw ng maraming anak diyan papasok ang estado at magbibigay
ng tulong.
Alam ni Noynoy ang hirap na dulot ng sobrang daming anak. Kita niya
ito sa Hacienda Luisita na pag-aari ng kanyang pamilya. Sobra ang
dami ng anak ng mga mahihirap.
Hindi makapag-aral dahil kulang sa salapi. Sa halip na mag-aral
sa paaralang publiko na wala namang bayad, napipilitang tumulong
sa pamilya para mabuhay. Alam ni Noynoy na ang sobrang bilis ng
pagdami ng tao ang pinakamabigat na problema ng bayan.
Lumiliit ang taniman dahil tinatayuan ng maliliit na bahay. Lumiliit
ang lupa, dumarami naman ang kumakain. Saan tayo makakarating kung
hindi ito bibigyan ng lunas?
Matapang si Noynoy kung sa palagay niya ay nasa katuwiran siya.
Hindi siya natatakot na itakwil siya ng Simbahang Katoliko. Alam
din niya na wala naman talagang impluwensiya ang Simbahan sa mga
botante.
Hindi ang Simbahang Katoliko at mga Obispo at pari nito ang pipili
kung sino ang iboboto. Dahil sa kahirapan, ang kandidatong malaki
ang gastusin sa kampanya ang mananalo kahit alam ng botante na babawiin
ng nasabing kandidato ang nagastos kung siya ay manalo.
Sino man ang kandidato na makakapagbigay ng maliit na ginhawa na
magtatawid sa mahirap na botante sa gutom sa loob ng isang araw,
iyon ang iboboto ng mga taong hungkag ang tiyan, mangmang ang mga
anak, at hindi maipagamot dahil sa kahirapan.
Hindi ang kandidato ng Simbahan ang iboboto nila. Sa lahat ng panahon,
laging una ang tiyan. Saka na ang Simbahan.
Alam ni Noynoy at nakikita ng sariling mata kung gaano kabilis dumami
ang taong namamalimos at natutulog sa malamig na semento sa tabi
ng daan, sa ilalim ng underpass, sa tabi ng ilog.
Nagdurugo ang puso niya tuwing makikita niya ang mga taong ito.
Wala naman siyang magawa. Ang tanging lunas na hindi kaagad mararamdaman
ay bawasan ang pagbilis ng pagdami ng tao.
Hindi bale na kung ano mang pagsisinungaling ang sasabihin ng Simbahan.
Kailangang mailigtas ang tao sa pagkakasala para ang kaluluwa nila
ay makakapiling ng Dakilang Ama.
Paano iiwas sa kasalanan ang taong nagugutom, mangmang at hindi
makabili ng gamot?
|